Biyernes, Enero 27, 2017

Ika-walong Liham

Ama, Patawad


Alam kong ilang beses mo nang narinig ang binibigkas ngayon ng bibig
Ilang beses nang nangako ng mga pangakong pauli-ulit na napapako
Mga luhang tumutulo habang sa'yo ay nagsusumamo
Hindi na mabilang sa kanan at kaliwang kamay
Sumula nang nagawa at nagagawa ang mga bagay-bagay
Mga bagay na sa'yo ay madalas na nagpapalumbay
Dahil sa aking pagiging pasaway
Pinipilit sa iyo ang mga bagay na noon pa ay dapat nang tinapos
Na ngayon sa akin ay unti-unting gumagapos
Naalala pa noong ikaw ay unang tinanggap at nakilala
Paggising, maging sa pagsapit ng gabi ay pasasalamat sa'yo ang sambit
Sa isip ay ikaw lamang ang naaalala
Ikaw ang laman ng bawat kanta
Lumalaban sa tawag ng laman, dahil sa puso ikaw ang laman
Ang presensiya mo ay aking ramdam
Ikaw lamang ang nais papurihan
Ang huling araw ng linggo ay laging alay sa'yo
Masaya, buong galak na nagsisilbi sa'yo
Ngunit parang kapeng mainit ay biglang nanlamig
Mula nang sa isang nilalang ay umibig
Ngayon ay hindi na masabi sa'yo ang mga salitang "Mahal Kita"
Dahil iba na ang mas pinagtutuunan
Patawad Ama sa pagiging mahina
Nagpadala sa lumbay at lumang alaala
Kahit ngayon pa man na tapos na ay naiwang tulala
Hindi ko alam kong paano ba muling magsisimula
Hindi alam kong itutuloy ba ang naiwan o babalik muli sa umpisa
Alam kong maraming paraan ngunit alam kong nasaiyo ang kasiguruhan
Patawad dahil pinili pa rin magbakasakali
Ngunit alam kong sa iyo babalik nang paulit-ulit
Ama ako ay tinatanggap mo nang paulit-ulit
Sa ngayon ay panandalian munang lilipad
Sa pamilya, sa bubong na masasabi kong tahanan
Sa lugar na pinanggalingan
Dala ang panalangin na sana sa aking pagbalik ay naghilom na ang mga sugat
Babalik dahil ikaw lamang ang aking huling hantungan
Kaya Ama, muli ay Patawad at Salamat.


Martes, Enero 10, 2017

Ika-pitong Liham

Sana


Sana noong una pa lang, hindi na tumabi sayo sa klase
Para hindi tayo nagkausap at nagkakilanlan.
Sana noong umpisa pa lang ay hindi ka na sumama sa grupo ng tropa
Para hindi kita halos araw-araw nakakasama.
Sana noong umpisa pa lang na nag-text ka ay hindi na nag-abala
Hindi na sana ako nagmadali pang pumunta kila Aling Nena
Para magpa-load, para reply-an ka.
Sana ay hindi ko na pinakinggan at inaral pa ang mga paborito mong kanta
Na sabay nating kinakanta t'wing tayo ay magkasama.
Sana ay hindi ko na lang inalam ang paborito mong ulam
Para hindi kita naalala t'wing iyon ang nakahain sa mesa
Sana ay hindi na lang sumama nang inaya mong manood ng inaabangan mong pelikula
Para hanggang ngayon hindi kita naaalala, kasi series pala
Yung pang-apat, ipapalabas na
Sana hindi na lang sumabay sayo mag-aral sa silid-aklatan
Kasi iba naman ang natutunan
Habang bumibilis ang tibok ng puso t'wing nagkakatinginan.
Sana hindi ka na lang inaya pang umakyat sa mataas na bahagi ng paaralan
Para pagmasdan ang mga bituwin at buwan
Para hindi kita naalala t'wing titingala sa kalangitan
Sana hindi ka hinayaang sumandal sa mga balikat ko
Noong sinabi mong masakit ang ulo mo.
Sana hindi ka na lang sumama noon sa Baguio
Para hindi nahawakan ang mga kamay mo
Noong sinabi mong "Nilalamig ako"
Sana hindi ka na lang niyakap noong nanginginig ka
Para hindi ko na naramdaman, na sa'yo ay nahuhulog na pala.
Sana ay hindi na nagtanong kung "Ano ba tayo?"
Para hindi na naging tayo.
Sana ay hindi na lang naging tayo.
Kasi hindi naman pala tayo hanggang dulo.
Sana ay hindi na lang kita sobrang minahal.
Dahil hindi naman pala tayo magtatagal.
Sana ay hindi na lang kita sobrang minahal.
Para hindi na nagmo-move on kahit sobra nang tagal.
Sana hindi ka na lang nakilala, eh di sana ngayon hindi kita naaalala
Sana hindi ka na lang minahal, eh di sana ngayon hindi na nasasaktan
Sana pwdeng balikan at i-rewind ang panahon noong una tayong nagkita
Sa apat na dingding ng silid kung saan unang masilayan ang iyong mga mata
Sa unang araw ng kung kailan tayo nagkakilala
Sana ay hindi na lang pumasok sa eskuwela
Sana hindi na lang nagsalita
Sana hindi ka na lang nakikilala
Sana hindi na nag-abala
Sana hindi na nag-reply pa
Sana hindi na inalam ang paborito mong ulam, kanta at pelikula
Sana hindi na lang sa kilig ay nagpadala
Sana hindi na lang inalam ang nadarama
Sana hindi na lang alam ang salitang "Mahal kita"
Sana ngayon ay hindi inaalam kung paano ba ang limutin ka
 At sana, hindi ngayon gumagawa nitong tula na ikaw na naman ang naaalala.

Biyernes, Enero 6, 2017

Ika-anim na Liham

Alaala


Pagbilang ng isa, dalawa, tatlo..
Tatlong taon, tatlong taon na ang lumipas.
Ngunit sa isip ko ay kailan ba lilipas?
Kailan ba lilipas ang mga ala-ala?
Dahil minsan sa madalas pa din kitang naalala.
Sariwa pa din sa isip ko ang iyong tawa
Mga tawang pumupuno sa apat na dingding ng aking kuwarto.
Kuwartong nagiging tila munting mundo, tuwing ikaw ang kapiling ko.
Mga matang panandaliang nagbibigay ng liwanag sa madilim kong mundo.
Mga haplos mong nagpapainit sa malamig na gabi.
Maging ang mga halik na kahit kailan ay 'di na matitikman pang muli
Dahil batid kong di ka na babalik.
Subalit ikaw ay minsan nang bumalik tulad ng nakita sa panaginip
Ngunit hinayaan kang mahagip ng takot at agam-agam ng isip
Oo, isip at hindi na ang puso
Mas mabuti nang ikaw ay mahagip palayo sa halip na aking puso.
Ayaw nang maramdaman ang sakit na dinulot sa kaliwang diddib, nang minsan ikaw ay aking inibig.
Masakit man na minsang maalala ngunit mayroon din palang saya.
Dahil ang mga alaalang ito ang magpapaalala na minsan ay hinamak kong ibigin ka.


Huwebes, Agosto 4, 2016

Ika-limang Liham

ANINO


Naisip kong parang anino pala ang Diyos
Hindi sa kadahilanang sa madilim na parte ng buhay mo ay hindi siya mahagilap
Ngunit aking napagtanto na hinahayaan ka niyang daanan ang dilim upang magpatuloy ka
Magpatuloy sa buhay hanggang masilayan ang liwanag
Ang liwanag na siya ang may dala
Nais niyang mula sa dilim ay maliwanagan ka
Maliwanagan kung bakit hinayaan ka niyang pagdaanan ang dilim
Dilim na lagi mong tinatanong  kung bakit
Bakit pinapahintulutan niyang mangyari
Bakit niya pinahintulutan kung sinabing niyang mahal ka niya
Pero sa takdang panahon ay mapagtatanto mo
Maiisip mong kung hindi ka dumaan sa dilim
Hindi ka magiging sabik makita ang liwanag
Paglipas ng dilim, masisilayan mo ang liwanag
Sa liwanag makikitang mong hindi ka niya iniwan
Hindi ka niya iniwan sa dilim
Hindi mo lang siya makita dahil napuno ng kadiliman ang buhay mo
Ngayon na nasilayan mo ang liwanag at ang kadiliman ay lumipas na
Ngunit kung muli mang sumapit ang dilim ay hindi ka na matatakot
Hindi ka na mangangamba
Dahil alam mong tulad ng anino
Hindi mo man siya makita sa dilim
Alam mong hindi ka niya iiwan
Lagi kang gagabayan at sasamahan
Sa dilim man o liwanag


Linggo, Pebrero 14, 2016

Ika-apat na Liham




 ARAW NG MGA PUSO
Madaming mapupusok, alam mo na kung saan patungo 
Nakakalungkot maisip na iba ang kanilang unang naiisip sa tuwing ito ay sasapit 
Di ba'y dapat ang unang naiisip ay iyong sinapit? 
Sa sobrang pagmamahal ng Amang nasa langit, ikaw ay bumaba mula sa langit 
Sa sinasambit ngayon ng isip, marahil sabihing ako ay mapait 
Diyan naman sila magaling, sawa na akong magsinungaling 
Minsan nang umibig ngunit sa huli ay napailing
Pangakong Hindi na uulitin, ikaw ang uunahin 
Ang tamang panahon ay darating din para sa akin 
Ikaw ang unang umibig sa akin, gusto na kitang yakapin 
Pero 'wag niyo muna akong kunin, marami pa po tayong gagawin 
Muli ay salamat Panginoon, salamat sa nangyari noon 
Ako ay bago na ngayon 
Salamat po sa pagmamahal mo, sainyo ay wala akong talo 
Sa pag-ibig ay di masasawi, kung ikaw ang pinili 
Kaya alam kong sainyo hindi ako nagkamali
Mga mali sa buhay ko'y ginawa mong tama muli 
Pag nagmahal muli, alam kong di na mali 
Siguradong ito ay wagi 😂💞

Lunes, Nobyembre 16, 2015

Ikatlong Liham

Panaginip


Maging sa mga oras na ito ay di pa rin matahimik, mula nang magising sa isang panaginip
Puno ng mga tanong ang aking pag-iisip, tulad ng "Isa ba itong babala ng nakaraan, para sa hinaharap?"
Ilang taon na ang lumipas, katulad mo pa rin ba ang hanap?
Alam ng isip na hindi dapat at lalong hindi katanggap-tanggap
Hindi hahayaang diktahang muli ng puso ang isip
Dahil hanggang ngayon ay iniisip-isip bakit ikaw ang aking inibig? 
Kaya itinatak sa isip, hindi na hahayaang madaig pang muli ng puso ang isip
Walong buwan ding nagpakalunod sa iyong mga halik
Tama na, dapat lang na 'di na bumalik
Ngunit minsa'y naiisip, kung hindi ka hinayaang bumitaw
Sana'y di ka naligaw
Ibang-iba na ang iyong galaw, masiyado nang magaslaw
Sabi ng mga kaibigan ay may bago ka na raw
Ngunit nang aking matanaw, ang iyong kaulayaw
Siya ba ang dahilan kung bakit ka bumitaw?
Nakita kung paano ka tinangay, hanggang sa 'di ka na matanaw
Ako ba ang dahilan kung bakit iba na ang iyong kilos at galaw?
Dahil ba ako ay hindi kumapit at hinayaan kang bumitaw? 
Sabi mo sa mga kaibigan natin, ako ay mapait
Dahil ba sa buhay ko'y wala ka pa ring kapalit?
Huwag mong isiping ako sayo ay galit, hindi ako nagmamalupit
Kaya wala ka pang kapalit, ayaw lang maulit ang naramdamang sakit
Sa pagdating ng bagong pag-ibig, papalitan ng tamis ang pait
Sa huli sa iyo ay lalapit, yayakapin ka ng mahigpit
Ibubulong sa iyo ang mga salitang "Salamat sa lahat ng sakit"
Kung mangyari man ang panagip, sasabihing iba na ang hanap
Yung taong hanggang sa huling hininga ako ang hanap
Sa gabing malamig ako ang yakap 








Huwebes, Nobyembre 12, 2015

Ikalawang Liham

Wagas


Nais matutong mabigkas ng mga labi ang ayaw ilabas ng pusong nagmamatigas.
Pinipilit maging malakas sa bawat hampas ng mga alon na 'di ko alam kung kailan ba magwawakas.
Hindi namalayang sa paglipas ng mga taon, ang puso ay 'di pala malakas,
Ngunit isa nang matigas.


Ikinukubli sa mga ngiti at tawang wagas ang mga sugat na 'di alam kung kailan maghihilom at lilipas.

Sinubukang ilabas ngunit kasabay nito ay ang pagtangis, mga matang tila nagpapawis.
Diyos Ama, sa iyo ay patuloy na tatangis, hanggang matuyo ang batis.
Alam kong ako ay 'di mo matitiis at 'di na muli pang tatangis.
Sa huli ay ngingiti ng matamis, nananabik sa muli mong pagbabalik.