Biyernes, Enero 27, 2017
Martes, Enero 10, 2017
Ika-pitong Liham
Sana
Sana noong una pa lang, hindi na tumabi sayo sa klase
Para hindi tayo nagkausap at nagkakilanlan.
Sana noong umpisa pa lang ay hindi ka na sumama sa grupo ng tropa
Para hindi kita halos araw-araw nakakasama.
Sana noong umpisa pa lang na nag-text ka ay hindi na nag-abala
Hindi na sana ako nagmadali pang pumunta kila Aling Nena
Para magpa-load, para reply-an ka.
Sana ay hindi ko na pinakinggan at inaral pa ang mga paborito mong kanta
Na sabay nating kinakanta t'wing tayo ay magkasama.
Sana ay hindi ko na lang inalam ang paborito mong ulam
Para hindi kita naalala t'wing iyon ang nakahain sa mesa
Sana ay hindi na lang sumama nang inaya mong manood ng inaabangan mong pelikula
Para hanggang ngayon hindi kita naaalala, kasi series pala
Yung pang-apat, ipapalabas na
Sana hindi na lang sumabay sayo mag-aral sa silid-aklatan
Kasi iba naman ang natutunan
Habang bumibilis ang tibok ng puso t'wing nagkakatinginan.
Sana hindi ka na lang inaya pang umakyat sa mataas na bahagi ng paaralan
Para pagmasdan ang mga bituwin at buwan
Para hindi kita naalala t'wing titingala sa kalangitan
Sana hindi ka hinayaang sumandal sa mga balikat ko
Noong sinabi mong masakit ang ulo mo.
Sana hindi ka na lang sumama noon sa Baguio
Para hindi nahawakan ang mga kamay mo
Noong sinabi mong "Nilalamig ako"
Sana hindi ka na lang niyakap noong nanginginig ka
Para hindi ko na naramdaman, na sa'yo ay nahuhulog na pala.
Sana ay hindi na nagtanong kung "Ano ba tayo?"
Para hindi na naging tayo.
Sana ay hindi na lang naging tayo.
Kasi hindi naman pala tayo hanggang dulo.
Sana ay hindi na lang kita sobrang minahal.
Dahil hindi naman pala tayo magtatagal.
Sana ay hindi na lang kita sobrang minahal.
Para hindi na nagmo-move on kahit sobra nang tagal.
Sana hindi ka na lang nakilala, eh di sana ngayon hindi kita naaalala
Sana hindi ka na lang minahal, eh di sana ngayon hindi na nasasaktan
Sana pwdeng balikan at i-rewind ang panahon noong una tayong nagkita
Sa apat na dingding ng silid kung saan unang masilayan ang iyong mga mata
Sa unang araw ng kung kailan tayo nagkakilala
Sana ay hindi na lang pumasok sa eskuwela
Sana hindi na lang nagsalita
Sana hindi ka na lang nakikilala
Sana hindi na nag-abala
Sana hindi na nag-reply pa
Sana hindi na inalam ang paborito mong ulam, kanta at pelikula
Sana hindi na lang sa kilig ay nagpadala
Sana hindi na lang inalam ang nadarama
Sana hindi na lang alam ang salitang "Mahal kita"
Sana ngayon ay hindi inaalam kung paano ba ang limutin ka
At sana, hindi ngayon gumagawa nitong tula na ikaw na naman ang naaalala.
Biyernes, Enero 6, 2017
Ika-anim na Liham
Alaala
Pagbilang ng isa, dalawa, tatlo..
Tatlong taon, tatlong taon na ang lumipas.
Ngunit sa isip ko ay kailan ba lilipas?
Kailan ba lilipas ang mga ala-ala?
Dahil minsan sa madalas pa din kitang naalala.
Sariwa pa din sa isip ko ang iyong tawa
Mga tawang pumupuno sa apat na dingding ng aking kuwarto.
Kuwartong nagiging tila munting mundo, tuwing ikaw ang kapiling ko.
Mga matang panandaliang nagbibigay ng liwanag sa madilim kong mundo.
Mga haplos mong nagpapainit sa malamig na gabi.
Maging ang mga halik na kahit kailan ay 'di na matitikman pang muli
Dahil batid kong di ka na babalik.
Subalit ikaw ay minsan nang bumalik tulad ng nakita sa panaginip
Ngunit hinayaan kang mahagip ng takot at agam-agam ng isip
Oo, isip at hindi na ang puso
Mas mabuti nang ikaw ay mahagip palayo sa halip na aking puso.
Ayaw nang maramdaman ang sakit na dinulot sa kaliwang diddib, nang minsan ikaw ay aking inibig.
Masakit man na minsang maalala ngunit mayroon din palang saya.
Dahil ang mga alaalang ito ang magpapaalala na minsan ay hinamak kong ibigin ka.
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)